Masalay,Ampatuan,Maguindanao |
Malaparaiso ka kung tingnan
Napapalibutan ng luntiang kabundukan
Datapwat kabahagi ka rin
Ng lupaing ninuno ng mga tribung Teduray-Lambangian
Napakalawak ng abot ng paningin
Habang nakatayo sayong bulubundukin
Tila hinihele sa mapang-akit na sayaw ng mga talahib
At malamig na samyo ng hangin-
Subalit noong Nobyembre 23,2009
Pinunit ang iyong katahimikan-
Ng mga hiyaw at palahaw ng pagsusumamo
Ng ratatat ng mga makapangyarihan na armas
Ng mga saksak na tumatagos sa malambot na laman
Na hatid pawang walang kasintinding sakit
At kamatayan
Katawan dito.
Katawan doon.
Ng mga peryodista,brodkaster,mamahayag,abogado,
ina,ama,asawa,kapatid at anak
Walang awang pinagtatapon.
Ibinaon.
Karumal-dumal na krimen
Pilit pinagtakpan
Ng mga buwitreng
Nag-aastang panginoon
Kaya-
Paano ko titingnan
Ang iyong kabundukan
Na hindi marinig alingawngaw
Kanilang mga hiyaw?
Paano maibalik
Dating katahimikan
Ng iyong lambak
Gayong naririnig impit nilang iyak?
Paano lalakad
Sa iyong makitid na daan
Habang nakikinita
Hilakbot sa kanilang mga mukha?
Paanong hindi mangingilabot
Tuwing maririnig
Indayog ng mga talahib
Samantalang naaninag katawan nilang nanlalamig?
Paanong hindi mabibingi
Sa katahimikan
Dahil balot nito
Hiyaw ng mga kaluluwang tumangis ng katarungan?
O Masalay!
Ilang beses ka na kaya
Naging piping saksi
Ng pagkitil ng buhay
At tahimik na nanangis
Sa bawat patak ng dugo
Na dumilig sa iyong luntiang paligid.
5 Mayo 2010, Kutang-bato
10:30 ng Gabi
Comments
Post a Comment