Skip to main content

Posts

Showing posts from December, 2014

Sisid

Ika'y pumapalaot sa kalawakan Pumapaimbulog sa mga ulap Ng paghihimagsik at pakikibaka Kasabay ng mga kasama Na puso'y puno ng alab Sa pagbabagong sinisinta Sa inyo'y nakatingala Umaasang sa inyong paglipad ay nakakasabay Subalit habang kayo'y patuloy na pumapaimbulog Ako naman ay lalong sumisid Sa kailaliman ng dagat Pilit inaarok ang lalim nito Ngunit bakit sadyang ito'y di  abot At ako'y nalulunod sa hampas ng mga alon Pilit humuhulagpos Subalit nababaon Sa pagtingala Nasulyapan, isang malaking ibon Na mga kukong matatalim Napuno ng pangamba ang puso Subalit tila nahipnotismo At inabot mga kamay dito.... Nais kong ako'y iyong saklutin Agawin sa kuko ng mapangahas na ibon Isama sa inyong paglipad Sa kalawakan At mamayani muli Sa puso at diwa Apoy ng pakikibaka. Baler,Aurora 1:54  ng hapon 11 ng Setyembre 2013

Sa Dako Pa Roon

Ilang sangang daan kailangan tatahakin Ilang bundok kailangan akyatin Ilang karagatan kailang tawirin Upang ika'y marating...? Ang puso'y bulag na naghahanap At ang kaluluwa'y tigmak ng pananabik At pag- alala Ikaw kaya ay madatnan....? Sa dako pa roon ng aking paglalakbay Sa pag-iisa Tila tukso sa gunita Pinupuno ang puso ng agam agam Natatakot sumuong sa lambong Ng bukas Ikaw kaya madatnan...? Sa dako pa roon... Sa dako pa roon... Umaasa na di lamang ika'y masilayan Kundi ang matagal na hinanahanap at sa wakas hihimlay sa kandungan Ng kalayaan....