Ika-23 ng Nobyembre. Ito’y araw na nakaukit sa ating madilim na kasaysayan sa isang bansang tinaguriang isang demokrasya.
Ang petsang ito ay nakabaon sa kamalayan hindi lamang ng mga pamilya ng biktima ng karumal dumal na krimen ng binansagang “Ampatuan Masscare” kundi pati na rin ng mga ordinaryong mamamayan na naghahangad ng katarungan. Isang taon ng pagdadalamhati at pagluluksa. Isang taon na pakikibaka upang makamit ang minimithing hustisya, subalit bakit sadyang napakailap nito?
Limampo’t walo (58) ang naging biktima ng masaker na ito, mga manunulat, peryodista, brodkaster, abugado, asawa,kapatid, ina at ama. Sila ay walang awang pinaslang ng mga taong halang ang kaluluwa. Isa dito ay hanggang ngayon ang katawan ay hindi pa rin natagpuan.
Ang mga primerong akusado sa nasabing krimen ay kasalukuyan nasa piitan at kinakaharap ang iilang bilang ng kasong pagpatay. Sabi nga ng iba ito’y isang kapanalunan na sapagkat hindi na rin mabilang ang kasaong pagpatay subalit walang mahagilap ang mga awtoridad na maaring gumawa nito o di kaya ay hindi natitinag ang mga nasasabing suspek.
Naroon nga at nakakulong ang mga akusado,subalit hindi pa rin tinantanan ang mga pamilya ng mga biktima sa mga pananakot at panunuhol upang ang mga ito ay tuluyan ng manahimik at tuluyan ng talikuran ang paghahanap ng hustiysa. Wala rin konkretong programa ang pamahalaan sa sinsabing “Witness Protection Program” kung saan mabigyan ng proteksyon ang mga testigo sa mga katulad nitong mga karumal-dumal na krimen. Bagkus, ang mga nakilalalang testigo ay unti-unting pinapatay habang ang iba ay patuloy na nagtatago sa takot na sila rin ay papaslangin. Maging ang mga abugado ng mga biktima ay di rin nakawala sa ganitong mga pananakot at pagpaslang. Hanggang kailan matatapos ang kawalan ng takot sa batas ng tao maging sa batas ng Maylikha ng Sangkatauhan….?
Ang kahabag-habag na kwento ng Ampatuan massacre, ay hindi lamang kwento ng mga mamamayan ng Mindanao. Hindi lamang ang 58 katao at ang kanilang mga pamilya ang naging biktima sa marahas na kultura na sa atin ay lumulokob sa kasalukuyan. Ito ay kultura na matagal nang ngumangatngat sa ating lipunan na patuloy nagbabaon sa atin sa kumunoy ng kawalang pag-asa at walang katarungan. Ang kulturang ito’y pilit ipinalulon sa atin n gating mga lider na ayaw makarinig ng kritisismo at daing sa kanilang mga nasasakupan. Sa pamamagitan ng pananakot at pamamaslang, patuloy na naghahari ang mga warlord at trapong kumikitil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Ito ang ating mapait na kwento.
Sa pagbabago ng administrasyon, ang mga maliliit na mamamayan,lalo na ang nagluklok kay Presidente Noynoy Aquino, ay umaasang may pagbabagong magaganap sa pamamalakad ng ating pamahalaan.Umaasa ang mga maliliit na mamamayan na totohanin ni PNoy ang kanyang pangakong “Tuwid na daan sa pagbabago”. Ito ang panghahawakan natin namga mamamayan upang hingin sa pamahalaan na pakinggan ang ating mga hiling at hinaing.
Isang taon na ang ang nangyaring masaker sa Ampatuan. Sana ang madilim na yugto na ito ng ating kasaysayan ay mabigyan ng tuldok, ng KATARUNGAN! Hindi ito makakamtan hangga’t hindi umuusad ang kaso ng Ampatuan Massacre. Hangga’t me namamatay na mga testigo.Hangga’t di napaparusahan ang mga may kasalanan at bigyan ng reparasyon ang mga pamilya ng mga namatayan.
Hininihingi naming na hayaang ipalabas sa media ang paglilitis ng kaso ng Ampatuan massacre!Karapatan ng mga mamamayan na makinig at makita ang daloy ng kaso at maging aktibong kabahagi nito sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay na mabigyan ng hustisya ang mga biktima! Bilisan ang proseso ng pagdinig ng kaso. ‘Ika nga, Justice delayed is Justice Denied! Sana’y maipakita ng rehimeng Aquino na ito nga ay may buto at kayang manindigan sa panig ng katarungan at para sa mga mamamayang patuloy na karapatan ay niyurakan.
Aming hinihiling na sana wala na muling dugong dadanak ng mga peryodista, mamamahayag, aktibista o ng simpleng mamamayan na nais lamang magpalabas ng kanilang mga opinyon, hinaing o maghangad ng pagbabago. Sana, makamit natin ang tunay na demokrasya at matatamasa ng lahat ang pantay-pantay na karapatan.
Sana ang lahat ng ito ay hindi manatiling kahilingan lamang.
Mindanao Peoples’ Peace Movement (MPPM)
Ika-23 ng Nobyembre 2010
Cotabato City
Reference:
Mabel Carumba
09205065235
Comments
Post a Comment