Ilang beses tastasin ang mga sugat
di lubusang naghihilom
pinahiran pa ng asin
at inebre
upang muling kumirot
at magnanaknak
Diyatat, mga taong uhaw
at ganid sa kapangyarihan
di magkasyang sambayanan
nangisay sa kinalugmukan
nais pa na pitpitin
at apakan
upang muli di makabangon
at pilit ipinabaon sa limot
kanilang kawalanghiyaan
Hayok sa kapangyarihan
Magnanakaw sa kaban ng bayan
Berdugo.
Mangingitil ng buhay.
Ninakaw pati hustisya
sa mga biktima
ng diktadurya
Ngayon, muling panakaw
tumakbo
at sa lupang libingan
mga katawan at ala-alala
ng mga nag-alay ng buhay
para sa bayan
pilit nakisiksik
at sarili man pinarangalan
bilang bayani.
Pumaalinlang
Mga tangis
at palahaw
Sambayanang sinupil noon.
Susupilin muli ngayon.
Ngunit pagkatapos ng mga luha.
Ng kirot, ng hapdi
Ng pag-alipusta
Sambayanan babangon
sa kinalugmukan.
Kailanman hindi na pagagapi.
2:42 ng hapon
ika-18 ng Nobyembre 2016
Q.C.
Comments
Post a Comment