Skip to main content

Posts

Showing posts from August, 2018

Hanap

 Hinahanap hanap iyong mga labi at bisig Hayaang ito ang mangungusap Sa mga piping saloobin Di mabigyang laya Nitong bibig,ngunit kimkim ng dibdib Hinahanap hanap ang iyong mga haplos at yakap Upang pawiin mga pagkabalisa Dulot ng iba't-ibang alalahanin Sa tuwina naghatid ng ligalig Hinahanap iyong mahinahong bulong Nagpapayapa sa mga sigalot Sa kaibuturan Upang mga ito payapain. Hinahanap. Hinahanap hanap. 24 Agosto 2018 8:11PM Kutang Bato

Tatag sa gitna ng pighati

Tahimik na muli ang puso Ang mga lungkot at pagkabalisa Dahan dahan na rin humupa Ito'y bukas na muli Yumakap sa mundong pinili Kasama mga nilalang Tinalikuran ng lipunan. Ang mga agam-agam Natutulog lamang Pansamantala nahimbing Maaring magising At sa puso't diwa Manligaligalig Malulungkot muli Lulubog sa kaibuturan Ng lungkot at pighati Maglulunoy   sa kumunoy nito Hayaang balutin ang kabuuan At lamunin nito. Pagkatapos ng unos at ligalig Sa pagitan ng mga buntong hininga Huhugot ng tatag at tapang Sa kaibuturan At sa mga kasamang mandirigma Sasagupa muli sa mga pakikibaka. August18,2018 10:28am Kutang Bato

Ode to Mornings

...I listened to the murmurs of early morning the call to prayers of nearby mosques the sound of pots and pans clanging soon the sizzles of garlic and onion with their enticing smell spiced the air ...and through my window I see the tell tale signs of the sun slowly rising up the horizon majestically claiming its place bathing the Rio Grande with its soft warm glow as if to signal the boatmen to ferry eager people to start their day ...for a moment, time stood still then the loud engine of the small boats cut through the stillness of the water disturbing its placidity as its water sluiced through the cluster of water hyacinths dotting the expanse as if shooing it away ...then everything burst into a bustle of activity and so has this soul with a sleepy but contented smile burrowed deep into the mundane rhythm of everyday life. ...Cotabato has awaken to another new day. 20 August 2018 9:10AM, Cotabato City

Kanlungan

Nais ko na kumanlong sa iyong mga bisig Magtago sa magulong mundo Pansamantalang huhugot ng lakas Upang sa muling pagbalikwas Muling matapang at matatag. 11 Agosto 2018 1:21AM IC

Saklolo

Kailangan ko si PN Upang ako ay tubusin At bawiin Sa kinsasadlakan Kuko ng kalungkutan. Kailangan ibabad ang sarili Sa kanyang mga salita Umaasang ito Ay huhugas Sa pusong nababalot Ng luha at pighati. Kailangan ko ang mga titik Ng kanyang mga tula Nagpipinta ng mga masalimuot Ng mga araw araw na karanasan Maging kabiguan at kasawian ng puso Lalo na init ng mga pakikibaka At magpakalulong dito. Nais ko na balutin nito Ng buong buo Payapain ang balisang puso At iduyan sa mga berso at ritmo Hanggang mahimbing Upang sa pagising Maayos na muli Itong mundo. 8 Agosto 2018 CDO; 8:51PM

Mga Muni-Muni sa Bendum 2

Salamat at nasilayan Di lamang iisang tala Kundi di mabilang na kislap Muli ngiti sa aking labi Inyong hatid Salamat at hapdi at lungkot Dati nadarama Kahit paano ay napapawi Kahit nga patlang lamang ang nadarama Inaaninag sa kalangitan Ang bituin May konting lungkot Dahil di na kilala Nitong nilalang na dating kaulayaw Pero alam ko, ika'y andiyan Patuloy na kumikislap Kasama ng ibang libong mga tala Di man kita makilala muli Pero may saya pa rin na dulot Nitong pusong nangungulila Parang nanumbalik Ang dating bulong... Sana kaisa ng aking kaluluwa Saan man siya naroon Siya ay nasa mabuting kalagayan Ang aming landas kaya ay magtatagpo...? O di kaya'y nakatadhana Kami ay magkaiba ang landas...? Sana nakasulat sa mga pahina ng tala ng buhay Pagtatagpo at pag-iisa Kundi man ito mangyari Sana bawat isa ay maging makabuluhan Ang buhay dito sa mundong ibabaw... 8 Hulyo 2016 Bendum, Bukidnon

Mga muni-muni sa Bendum 1

Sana mabaon ko Ang huni ng mga kuliglig Ang liwanag ng mga alitaptap Sana maulinigan muli Kahit bulong ng mga ito At madama init Dala ng mga kulisap na maririkit Subalit nanganganib Mga kaibigang maliliit Habang mundo'y umiinit. 8 Hulyo 2016 Bendum, Bukidnon

Sa Apat na Sulok

Ngayong gabi Dito sa apat na sulok Ito ang kabuuan ng ating mundo Sa piling ng makukulay na obra At mga talinghaga Gising ang kamalayan Maging ang pandama Kinikilala ang isa't isa Inaarok ang nadarama Sa mapusyaw na ilaw At nakakahipnotismong patak ng ulan Maging hanging pilit makikiisa Sa apat na sulok Ibinahagi Mga dalamhati Alalahani't mga kaba Mga saya at tuwa Maliliit na tagumpay Sa mga pakikibaka Kapwa nag alay ng dalangin Sana bawa't isa Babantayan at pagpalain Mapagkalingang kamay Ng sansinukob. Sa panandaliang pag-iisa Ng damdamin at kamalayan Pansamantalang idinugtong Mga landas na di tahasang nagtatagpo Kahit nga patutunguhan ay maaring iisa Sa apat na sulok Panatag Nahimlay sa bisig ng bawat isa Nakahanap ng kakampi at kasama Sa mga bulong at haplos Sa mahihigpit na yakap. Maging hawak ng mga kamay. Ito'y ipinapaabot. Subalit, Dito sa apat na sulok Mundo'y manatili